Serial Killer Gumagala - Publiko Pinag Iingat


Pinag iingat ang publiko laban sa isang lalaki na pinaniniwalaang isang serial killer at hinihinalang nasa likod ng serye ng pagpatay at pagnanakaw sa Lipa City, Batangas. Pawang lalaki umano ang biktima--pinagnakawan at pinatay sa pagpalo ng matigas na bagay. Ayon sa pulisya, marami nang naitalang kahalintulad na pangyayari sa Lipa mula Pebrero hanggang Abril ngayong taon. Nakunan ng surveillance videos ang hinihinalang serial killer ng Lipa pero hindi malinaw ang kuha at anggulo ng naturang misteryosong lalaki.



Noong Oktubre 2015, nakunan sa isang surveillance video ng isang bangko sa Makati, nang mag-withdraw ng pera sa ATM machine ang misteryosong lalaki na gamit ang ATM card ng isang nawawalang 23-anyos na cadet engineer na si Kevin DiƱo. Ilang araw matapos mawala si Dino, na huling nakitang buhay nang umalis sa pinapasukang trabaho sa Pasig City.

Nitong nakaraang Marso 14, nakuhanan ng mas malinaw na surveillance video ang parehong lalaki sa isang ATM machine naman sa Quezon City. Ang gamit na ATM card ng lalaki, ay pagmamay-ari naman ni Ariel Rosales ng Lipa City, Batangas, na natagpuang patay sa nabanggit na lugar noong Marso 13. Nakagapos si Rosales nang matagpuan at pinalo ng matigas na bagay sa ulo.

Nitong nagdaang Pebrero 25, natagpuan ang naaagnas na bangkay ni Henry Ramirez. Nawawala ang kaniyang wallet, alahas at laptop.

Makalipas ng dalawang araw, Pebrero 27,  nakita naman ang bangkay ng guro na si Xyruz Bonifacio, na nawawala naman ang wallet at cellphone.

Noong Abril 22, nakita naman ang bangkay ni Mark Quizon sa Silang, Cavite. Bagaman sa Cavite nakita ang bangkay ni Quizon, naninirahan siya sa Lipa. Sa imbestigasyon ng pulisya, lumabas na ginamit din ang ATM card ng biktima para makakuha ng pera.

Sa ngayon, hinahanap ang principal ng isang paaralan sa Lipa na si Florante Makalintal, na halos isang buwan nang nawawala. Nangangamba ang mga kaanak ni Makalintal na baka may masama nangyari sa kaniya.